Sa wakas, tapos na akong magbalot. Binaon ko ang mga aklat ng tula at nagbisikleta patungong downtown; nagbakasakaling ngayong hapon ay di uulan. “Garage sale!,” sigaw mula sa porch ng isang tahanan. Hindi ko ito pinansin, hanggang may sumunod na sigaw: “Ted!”. Iyon si Maria, ang kaibigan kong Russo na may mapulang buhok. Tingnan mo nga naman. Lumipat na siya ng tirahan matapos ang semestre, at di ko na akalaing magkikita pa kami. Ngayo’y heto at nakapagpaalam pa ako sa kaniya sa bisperas ng aking pag-alis.

Sarado na ang Volta kung saan sana ako magkakape. Umikot-ikot ako sa Hippodrome, sa Harry’s, at sa may bandang Gelato Company. May taga-roon na umiikot-ikot din at nagpapatikim ng kanilang gelato na dati kong dinadayo. Sa huli, nagtungo ako sa The Top, kung saan umorder ako ng Pesto Gnocchi: may sundried tomatoes daw at roasted pine nuts. Hindi na sana ako oorder ng inumin pero half-off daw ang Chardonnay sapagkat happy hour, ngiti ng waiter. O sige na nga. Huling gabi ko na naman ito sa Gainesville, at ako’y medyo nalulumbay.

Ganoon pala ang gnocchi, sing lambot at lapsa ng bola-bola sa ginataan. Hindi ko nagustuhan; sanay ako sa pastang al dente. At ang pangalawa kong kopita ng Chardonnay ay hindi rin pala half-off, bungisngis ng waiter, sapagkat lampas na raw ng alas-siyete. Leche.

Subalit hindi ko na makuhang ganap na mainis. Magaan na ang aking loob, umiikot ng kaunti ang ulo sa alak. At higit pa: nabigyang-aliw ng mga tula ng mga kaibigang nasa malalayo.




    Na Naman


    Hatid na naman ng hangin
    Ang hangaring makapiling
    Ang pinakamalalapit
    At, lalo pa nga,
    Ang pinakamalalayo sa atin.

    Ganito rin daw ang simoy
    Nang magningning ang tala
    Dahil binitiwan ng isang dalaga
    Ang matamis niyang oo
    At ang kaniyang supling
    Sa atin ipiniling.

    (Rofel Brion, mula sa Sandali)




    Himig


    Kay bait ng ulan.
    Pinaliliguan ang lahat ngayong umaga.
    Tinatagos ang nagpapatagos.
    Pinupuno ang nagpapapuno.
    Dinidilaan, hinahaplos
    lahat ng masasapo.
    At ang ayaw bumigay
    tahimik lamang na iiwan
    upang tumungo sa masisidlan.

    Kay bait ng ulan.

    Subalit kailangan ko pa ring
    paniwalaan
         tutuyuin ako ng sikat ng araw
         kinahapunan
         kinabukasan
         kinabukasan.

    (Beni Santos, mula sa Kuwadro Numero Uno)




    Ganoon Lamang


    Ganoon lamang pala:

    Tiklupin ng isa-isa
    ang iyong mga damit,
    isilid sa maleta.

    Sumulat ng paalam
    sa munting papel,
    lagdaan ng pangalan.

    Buksan ang pinto
    at langhapin ang hangin,
    humakbang palabas.

    Ipinid ang pinto
    nang walang lingon-likod,
    lumakad nang lumakad.

    Ganoon lamang.

    (Rofel Brion, mula sa Sandali)




Oo nga, Rofel: ganoon nga lamang.

At napawi tuloy ang lumbay ng isa pang muling paglisan.